Sa liit ang industriya ng children's publishing sa Pilipinas, halos lahat magkakakilala, at halos lahat, magkakaibigan-sa personal o sa social network-kaya halos updated sa mga buhay-buhay ng isa't isa. Nguni't may isang manunulat akong nais sanang maka-date nang minsan pa-pero siya ay namayapa na. Kaya siguro mas maganda kung araw 'yung date namin, para 'di naman nakakatakot.
Si Rene O. Villanueva ay itinuturing ng maraming manunulat, maging ng ilang ilustrador ng aklat pambata, na kanilang mentor. Isa na ako doon sa magsasabing kahit paano'y naging "estudyante" niya. Noong siya ay nabubuhay pa, siya ay nagturo sa UP. Minsan din siyang naging creative director at head writer ng pambatang palabas na Batibot, kung saan isa sa mga manunulat sa kanyang grupong pinangungunahan ay si Augie Rivera, na ngayo'y isa na ring premyadong manunulat ng aklat pambata.
Noong unang nalimbag ang aking unang aklat pambata, ang "Estrellita" (Adarna, 1995), sinwerte ako na ako ang manunulat at ilustrador nito. Ngunit dahil nagtapos ako ng Fine Arts sa UP, mas ilustrasyon talaga ang linya ko. Ang tangi kong edukasyon sa malikhaing pagsulat ay ang pagbabasa ng maraming akda, at ilang mga workshop na aking nadaluhan kapag nakakakuha ako ng pagkakataon mag-VL (vacation leave) mula sa trabaho ko sa advertising. Sa UP Writers' Workshop at sa Barlaya ko unang nakasalimuha si Rene bilang panelist namin, noong ako ay nagsisimula pa lamang magsulat. At nang lumaon, naitatag naming ng ilan sa aking batchmates sa 1995 UP Writers' Workshop ang Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) sa paghihikayat na rin ni Rene at ibang mga panelists naming sina National Artist Virgilio S. Almario, Prof. Amelia Lapena-Bonifacio, at Prof. Mailin Paterno-Locsin, lagi namin siyang naaasahan maging panelist para sa mga workshop naming inoorganisa. Napaka-mapagbigay niya ng mga nakakatulong na puna sa workshop. Lagi rin namin siyang nakakasama sa maraming kaganapan sa larangan ng panitikan, gaya ng National Children's Book Day, book launches, UP Writers' Night, atbp.
Sa wakas ay nagkaroon ako ng pagkakataon maglarawan ng isang aklat ni Rene. Ngunit sing-bilis ng aking pag-oo ay siya ring bilis ng aking pagbawi. Dahil sa bigat ng trabaho sa opisina, hindi ko siya matatapos sa deadline, kaya minabuti ko nang umatras kaysa mabitin pa siya at ang publisher, at tuluyang ma-delay ang proyekto. Nagtampo siya. Matagal niya akong hindi kinausap at hindi pinapansin kapag magkikita kami. Ngunit isang araw noong 2001, laking gulat ko na lang nang tawagan ako ng Tahanan Books, at tinatanong nila ako kung maaari ko raw bang ilarawan ang bagong aklat ni Rene, ang "12 Kuwentong Pamasko." Siyempre, pumayag ako!
Ang saya ko. Tila napatawad na niya ako. At mabuti naman ay wala na akong ibang nagawa na ikakatampo niya sa akin hanggang yumao siya noong 2007. Masaya ako at nagkaroon ako ng maraming pagkakataong makausap siya ulit, at minsan-minsan ay tanungin siya kung ano ang sikreto niya sa pagsulat. Palagi, ang sagot lang niya ay "Sumulat ka lang nang sumulat."
So pag nag-date kami ulit, hindi ko na siya ulit tatanungin kung ano ang sikreto niya, kasi tiyak makukulitan lang sa akin 'yun. Magkakape lang kami at magkukuwentuhan, pagkatapos ay ipapapirma ko lang ang kopya ko ng "12 Kuwentong Pamasko". May iisa lamang kaming letrato na magkasama kami sa booksigning ng aming aklat, at hindi ko na ito mahanap. Ngunit mas malala-wala pala akong autograph niya!