Wish List: Anong Pilipinong Aklat Pambata o Pangkabataan Ang Gusto Mong Mailimbag?

By Maytpapa

1. Isang aklat pambata ni National Artist Virgilio S. Almario tungkol sa kung paano maging makata, at serye ng mga aklat na hihimok sa mga batang subukang magsulat din ng maikling kwento, awit, dula, at personal na sanaysay-upang maging bahagi ito ng malikhaing pagpapahayag sa kanilang sarili. Malaki kasing suliranin ng ating kabataan ay ang paghanap sa kanilang pagkakakilanlan.

Ngunit, bumalik tayo sa dream book ko na isusulat sana ni Sir Rio. Sa lahat ng genre, ang tula pa rin ang pinaka-intimidating sa madla, hindi lang sa ating kultura, pero maging sa dayuhang kultura. Kung basehan ang mga kuwentong-pambatang nilikha niya, ang saya siguro matuto ng paglikha ng tula mula kay Sir Rio, kahit ito ay sa pamamagitan ng isang how-to book lamang. Sana ito ay masaya ang pagkakadisenyo at sana ito ay may mga makukulay na ilustrasyon, upang ito'y mas masayang basahin.

2. Mas maraming tunay na "picture book"-mga aklat na pasisimulan ng mga ilustrador, hindi ng manunulat. O totally walang teksto. Panahon na para makilala natin ang ating mga Shaun Tan, David Weisner, Jillian Tamaki, at Isabelle Arsenault. Ang aktibong gumagawa nito, ng pag-initiate ng ilustrador sa paglikha ng aklat, marahil, ay si Jomike Tejido. Lumalago na rin ang lokal na graphic novel industry, na nagsyo-showcase ng mahuhusay na trabaho ng mga ilustrador na Pinoy. Ngunit, napakalaki pa ng potensyal ng picture book, may mga uring hindi pa natin nakikita dito sa Pilipinas. Hindi naman tayo nagkukulang sa mga ilustrador na may kakayahang mangyari ito. Kulang tayo, marahil, sa mga premyong mala-Caldecott at siguro, mas masigasig na encouragement mula sa mga publisher. Ang Canvas books ay may ganitong layunin sa paglikha ng picture books-nauuna idevelop ang biswal bago teksto-ngunit may kamahalan lang ang kanilang mga aklat. Sana ay may pang-commercial market sila. Ang PBBY Illustrators Prize naman, sa tingin ko, ay maaaring maging daan upang mangyari ito kung siguro minsan bawat dalawang taon o salitan ng taon, iuuna nilang ilunsad ang Illustrators Prize kaysa Writers Prize.

3. Mas maraming aklat para sa mga batang may special needs. Upang tunay at tuluyang maisakatuparan ang layunin ng Deped sa kanilang "No Child Left Behind", kailangang bigyang-tuon at kilalanin din ang pangangailangan sa edukasyon ng mga batang may kapansanan sa pamamagitan ng paglikha ng mas inclusive na lipunan para sa kanila. Ang unang-unang hakbang ay ang pagturo ng pag-unawa sa mga batang walang kapansanan. Sa aking palagay ay malaki ang magagawa ng mga aklat na pumapaksa sa 1) "anti-bullying", 2) mga specific na kapansanan ngunit sa mas sensitibong pamamaraan gaya ng "Xilef", 3) araw-araw na buhay ng mga batang may kapansanan-sila ay mga bata rin!

4. Ang maraming mga kuwentong nasa mga notebook ko!

Libre lang naman ang mangarap.

4.