Featured Writer: Karen Patricia M. Reyes

By Maytpapa

Last March 15, I was invited by Prof. Hazelle Preclaro Ongtengco to be guest lecturer at her EDR 121 class at the UP College of Education. Rather than talk about the process of writing, I made the students experience the process themselves by giving them what was supposed to be a 30-minute writing exercise. (Some of the students asked that they be allowed to take home their stories so they can polish them.) I wanted to prove to the kids that it is possible to think up and write a story in as little as 30 minutes.

I am featuring one of those stories. I found this story by Karen Patricia M. Reyes very charming and engaging–a heady, exhilarating magical ride back to childhood.

Illustrated by May Tobias Papa

Pagkagising ko, bumangon ako kaagad. Dali-dali akong tumakbo papunta sa kuwarto ni Kyle, ang nakababata kong kapatid. Agad kong hinila ang kamay niya at sumigaw nang, “Uy, gumising ka na! Laro na tayo!”. Bumuka yung mata niya pero pumikit ulit. Hinila ko ulit yung kamay niya sabay sigaw nang, “Uy, gumising ka na sabi, eh! Mauubusan tayo ng oras niyan.” Sa wakas ay bumangon na rin si Kyle at sabay kaming bumaba ng hagdan.

May dalawang mahahabang sofa sa aming sala. Yung malapit sa salamin ang kanya at yung mas malapit naman sa pinto yung akin. Agad naming tinanggal ang 2 kutson ng aming sofa at iniligay ang mga ito sa gilid ng sofa para magsilbing mga pinto ng aming sasakyan.

“Ay, nakalimutan natin yung kambyo!”, sabi ko kay Kyle. Agad siyang umakyat para kunin ang dalawang pahabang alkansya na gagamitin naming kambyo. Ang mga unan naman ng sofa ang nagsilbing manibela namin.

“Saan ka pupunta ngayon, ate?”, tanong ni Kyle.

“Hmm… Baguio siguro.”

“Dala ka ng jacket kasi malamig doon”, muling wika ni Kyle.

“Ah, tama!”, sabi ko naman bago tumakbo paakyat upang kunin ang jacket ko sa aparador. “Eh, ikaw?”, tanong ko naman kay Kyle pagkababa ko.

“Sa ibang planeta. Pero isasama ko sina Dinosaur at Elephant sa pagpunta,” sagot naman niya. Umakyat muli si Kyle upang kunin ang mga laruan niyang isasama niya sa paglalakbay pero bago siya makalayo ay sumigaw ako nang, “Kunin mo na rin si Bear para maisama ko sa Baguio!”.

Nang handa na ang lahat ay bigla naman kaming tinawag ni Yaya Yolly para kumain ng almusal, “Kakain na. Mamaya na ang laro.” Kaya naman iniwan muna namin sina Dinosaur, Elephant, at Bear sa aming mga sasakyan upang kumain ng almusal.

Pagkakain namin, dumiretso kami sa aming mga sasakyan. Nagpunta kami ni Bear sa Baguio at binaba ko ang mga bintana para makapasok ang malamig na hangin. Sina Kyle, Dinosaur, at Elephant naman ay tumungo na sa ibang planeta. Pagkaraan ng ilang minuto ay nainip na ako sa Baguio. “Parang masaya doon sa ibang planeta ah. Lagi nalang kasi akong pumupunta dito sa Baguio. Eh kung sumama nalang kaya tayo kina Kyle?” tanong ko kay Bear. “Kyle, sunduin niyo naman kami dito! Naiinip na kami sa Baguio, eh”, sigaw ko kay Kyle.

“Ang hilig mo kasing pumunta diyan eh,” sagot ni Kyle habang tumatawa. Nang lumipat kami ni bear sa sasakyan ni Kyle ay tawa kaming nang tawa dahil ang sikip na sa loob. “Ang dami kasi natin eh,” dagdag ni Kyle.

Tumuloy na kami sa paglalakbay at tumigil sa isang berdeng planeta. Bumaba kami ng sasakyan upang mag-ikot. Bigla naman kaming sinalubong ng mga alien na kamukha ng isang karakter sa isang TV cartoon. Nakipagkilala kami sa kanila at nakipaglaro pagkatapos. Habang naglalaro kami ay tinawag muli kami ni Yaya Yolly para naman kumain ng tanghalian kaya naman nagpaalam muna kami sa aming mga bagong kaibigan. Inimbitahan rin namin silang bumisita sa aming planeta sakaling magka-oras man sila. Sumakay na ulit kami sa sasakyan at naglakbay pabalik ng aming planeta upang kumain.

Pagkatapos kumain ay bumalik kami sa aming sasakyan. “Naku, Ate, wala na tayong gas,” sabi ni Kyle.

“Doon nalang tayo sa sasakyan ko,” sagot ko naman sa kanya. Kasama sina Dinosaur, Elephant, at Bear, lumipat kami sa aking sasakyan.

“Saan naman tayo pupunta ngayon?”, tanong ni Kyle.

“Umikot-ikot nalang tayo sa kalawakan para pagmasdan yung mga bituin,” sagot ko sa kanya. “O sige, pero magbabaon lang ako ng Krunchees para kapag nagutom tayo doon. ”Pagkakuha niya ng baon ay ipinaandar ko na ang sasakyan patungo sa kalawakan.

“Ate, o, mukhang aso yung mga bituin!” wika ni Kyle.

“Yung isa naman mukhang kamay”, sabi ko sabay turo sa isang parte ng sala. Nang wala na kaming magawa ay kumanta nalang kami ng mga kantang itinuturo sa amin sa paaralan. Nahiga kami hanggang tuluyang nakatulog sa aming sasakyan.

Pagkagising namin ay napansin kong medyo dumidilim na sa labas. Kinain muna namin ang baong Krunchees bago maglakbay muli pauwi. Nadaanan namin ang planetang berde pauwi at nakita kong kumakaway sa amin ang mga kaibigan namin doon. “Kyle, nag-bababay sa atin yung mga alien, o!”, wika ko.

Binuksan ni Kyle ang bintana at kumaway pabalik sabay sigaw ng, “Babalik kami bukas. Hintayin ninyo kami!”. Pagkarating namin sa bahay ay bumaba na kami ulit sa sasakyan at nakipaglaro pa kina Dinosaur, Elephant, at Bear. Maya-maya ay lumabas ulit si Yaya Yolly mula sa kusina upang tawagin kami para maghapunan.

“Tara na, Kyle. Ayusin na natin sa dati yung mga sofa kasi parating na sina Mama,” sabi ko kay Kyle. Ibinalik na namin ang mga kutson at unan sa dati nilang ikinalalagyan sa mga sofa. Ibinalik na rin namin ang alkansya at mga laruan sa kwarto. Bumaba kami muli upang kumain ng hapunan. Habang kumakain ay nagkwentuhan pa kami ni Kyle tungkol sa mga lugar na napuntahan namin at sa mga kaibigang nakilala namin.

“Ate, punta ulit tayo doon bukas ah”, sabi ni Kyle.

“Oo naman!”, sagot ko.