Books Magazine

Ano Ang Paborito Mong Aklat Pambata?

By Maytpapa
Ano ang paborito mong aklat pambata?

Tuwing tatanungin ako ng tanong na ito, iba-iba ang aking sagot-dahil napakarami ng aking paboritong aklat! Hindi rin makakatulong na tanungin ko itong si Kulit, kasi may sarili din siyang listahan. Kaya para sa kontribusyon kong ito sa blog tour ng NCBD 2015, sinikap kong pumili na lamang ng apat na aklat na kasalukuyang top-of-mind ko. At heto sila, in no particular order:

Ano ang paborito mong aklat pambata?

Mula 2000 hanggang ngayon, para sa akin, nananatili ang Xilef bilang isang akdang natatangi sa paglalarawan ng isang batang may special needs. Well-researched at sensitibo ang pagkakasulat ni Augie Rivera. Hindi sensationalized at stereotypical ang pagsasalarawan ng dyslexia; sa halip ay nagbibigay ito ng kalinawan sa dati ay isang mahirap intindihing learning disability. Naniniwala ako na kung may mas malinaw na pag-unawa ang mga batang Pilipino (maging ang kanilang mga magulang) ngayon tungkol sa dyslexia, ito ay sa malaking bahagi dahil nabasa nila ang Xilef. Hindi tumigil si Rivera sa pagtawag ng pansin sa dyslexia; maingat niyang inilarawan ang mundo ng batang si Felix sa paraang makikita ng mambabasa ang araw-araw na mga challenges na hinaharap nito sa pagbabasa. Mahalaga ito sa depiksyon ng ganitong espesyal na paksa. Kapag stereotypical ang paglalarawan ng kapansanan ay lalo lamang itong nakakasama imbes na nakakabuti. Naeexploit ang subject matter para lamang sa dramatic effect nito. Dapat tanggalin na ang pokus sa mga kakatwang katangian ng kapansanan at ilipat ito sa paglalarawan ng punto de bista ng taong may kapansanan, sa layuning baguhin na ang prevalent habit na ibahin sila mula sa tipikal, ibukod sila sa kanilang sariling mundo. Mahalaga ring kunin ang pag-unawa-sa halip na awa-ng mambabasa, at tuluyan nang tanggalin ang stigma sa pagkakaroon ng kapansanan, upang ang kalahatan ng lipunan ay tuluyan nang maging inclusive. Malaki ang responsibilidad ng manunulat sa pagsulat tungkol sa mga espesyal na paksa gaya ng dyslexia, at sa Xilef naipakita ni Rivera kung paano ito magandang gawin.

Magaan ang paghawak ni Rivera sa kanyang paksa, sa pamamagitan ng paglalarawan sa dyslexic na si Felix bilang isang batang may malikhaing imahinasyon. Maliban sa kanyang kapansanan, si Felix ay isang karakter na engaging at relatable. Sa madyik ng pag-iisip at kamay ni Beth Parrocha Doctolero, si Felix ay isang kyut na superhero na lumilipad sa makulay na kalawakan ng mga lumulutang na titik at asteroids.

Ano ang paborito mong aklat pambata?

Bilang anak ng isang taong minsang nagtrabaho bilang barbero, damang-dama ko ang punto de bista ng batang lalaki sa kuwento. Mula beybi ako hanggang nag-15, ang tatay ko lang ang gumugupit sa akin at sa aking 5 nakababatang kapatid. At iisa lang na estilo: chin-length na blunt cut. At ayaw niyang pahahabain ko ang aking buhok. Mas malinis daw tignan pag maiklli. Pero simula nang mag-16 ako, walang man lang paliwanag (hindi ko na rin siya tinanong) ay binigyan na niya ako ng allowance mga 4 hanggang 5 beses isang taon para magpunta sa parlor at magpa-style ng buhok. Kaya nagpakulot ako at nagpakulay ng buhok.

Nakakaaliw ang kuwento ni Russell Molina. Isa siyang ekspertong kuwentista na kaya kang paluhain sa kakatawa at walang babala, bigla-bigla kang paluluhain sa isang pihit lang-dahil sa isang gunita, o sa kuwentong ito, sa biglang pagtanto ng barberong tatay ni Eboy na binata na pala ito. May kurot sa dibdib ko tuloy pagdating sa bahaging tinanong si Eboy ng tatay niya, "Gupit binata ba iho?" Ganito rin kaya ang naisip ng Tatay ko nang napansin niyang ayaw na naming magkakapatid magpagupit sa kanya?

Gusto ko ang mapaglarong isip ni Eboy, na nahuli ng sing-mapaglaro at kakatwang mga biswal ni Hubert Fucio. Pinakanaaliw ako sa pagkalarawan kay Eboy at kanyang tatay nang nakabaligtad. Magtataka ka kung bakit sila baligtad. (Binaligtad ko ang pahina upang tignan kung mas mukhang tama sa paningin, pero mas mukhang tama ang komposisyon pag nakabaligtad dahil ang visual weight talaga ay nasa ibaba ng pahina.) Sa palagay ko ay sadyang inilarawan ni Fucio ang eksena nang baligtad-at marahil (dahil lamang may barberya dati ang tatay ko noong ako ay maliit pa kaya ko ito naisip), si Eboy ay nakatingin sa sarili niya sa bilog na salamin na nakaanggulo at nakapuwesto nang mataas sa dingding ng barberya (isang bagay na hindi na nakikita ngayon sa mga modernong barberya at parlor.) Matanong ko nga mamaya ang tatay ko.

Ano ang paborito mong aklat pambata?

Ang "Dindo Pundido" ni Jomike Tejido ay may mga sangkap ng isang magandang kuwento: 1) temang mahusay ang pagkakabuo; 2) isang bida na nagdaan sa isang malaking pagbabago sa kanyang katauhan (o, mas tama ata, ka-alitaptapan); 3) isang paksang interesante sa mga bata-mga alitaptap; at 4) isang kawiliwiling plot. Dahil dito, paborito kong gamitin itong aklat bilang halimbawa sa aking pagtuturo ng mga workshop sa malikhaing pagsulat. Madali kong naipapakita sa aking mga estudyante ang mga elemento ng maikling kuwento at nailalarawan ko sa kanila ang bisa ng mga ito. Bukod dito, ang "Dindo Pundido" rin ay isa rin sa mga unang paboritong aklat ni Kulit. Dahil simple at payak ang kuwento, maaari itong bigyan ng mga matalinhaga--bukod sa literal-na pakahulugan. Gusto ko ang mensahe ng kuwento. Maaring gamitin ang mga aklat na ganito sa bibliotherapy. Hinihimok nito ang batang mambabasang hanapin ang kanyang lakas sa kabila ng kanyang kahinaan, upang malampasan ang kanyang limitasyon o kahit anumang balakid sa kanyang minimithi.

Nasa ikalawang edisyon na ang "Dindo Pundido". At sa pagitan ng unang pagkalimbag nito noong 2002 at 2012 ay mapapansin ang pag-mature ng estilo ni Tejido bilang ilustrador. Sa unang edisyon, kahanga-hanga ang paggamit ni Tejido ng medium na hindi pa gaano nagagamit noong mga panahong iyon sa ilustrasyon ng mga aklat-pambata, ang luwad. Ngunit sa ekspertong paghawak ni Tejido sa digital medium sa ikalawang edisyon, mas lalong umangat ang pananarinari ng kulay at texture ng mga halaman sa hardin na nagmistulang kagubatan.

Ano ang paborito mong aklat pambata?

Dahil, unang-una, sa mga linyang ito:
"Walang silbi ang baboy na hindi naging litson!
Walang halaga ang baboy na
hindi man lang naging tsitsaron!

Sobrang nakakatawa!

Ngunit bukod at higit sa nakakaaliw, ang "Ang Unang Baboy sa Langit" ay may importanteng mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng integridad at ideyalismo sa kabila ng kakulangan nito sa lipunan. Kahanga-hanga si Butsiki dahil hindi siya nagpatalo sa "peer pressure" at pinanatili niya at pinanindigan niya ang kanyang mga paniniwala at mga pagpapahalaga (values). 1991 pa nang unang nalimbag ang aklat na ito, panahong pre-digital. Narinig ko nang naikwento ng publisher na si G. Ramon Sunico kung paano mabusisi ang pagkakagawa ng mga ilustrasyon ni Ibarra C. Crisostomo. Kung tama ang pagkaalala ko, ang bawat kulay ay ibinukod ni Crisostomo sa magkakahiwalay na layer, kumbaga manual ang color separation. Sulit ang pagod ni Crisostomo. Ang resulta ay isang napakakulay at napakasayang aklat na isa ngayong klasiko sa panitikang pambata.


Back to Featured Articles on Logo Paperblog

Magazines